Tahasang kinuwestiyon ni Sen. Erwin Tulfo kung talaga bang ikalulugi ng electric utility companies ang pagtatanggal ng system loss na siyang ipinapapasan sa mga consumer.
Kaugnay ito sa pahayag ni Meralco Chairman at CEO Manuel V. Pangilinan (MVP) kung saan tinanong niya kung sino ang sasalo ng system loss charges na nais tanggalin sa monthly electric bill ng mga konsyumer.
MAKI-BALITA: MVP pag inalis ang system loss charges: 'It is not a small matter, who's going to pay for that?'-Balita
Saad ni Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson at Chief Executive Officer Francis Francis Saturnino Juan sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Energy nitong Miyerkules, Hulyo 30, maliit lang naman daw ang kabawasan kung ikukumpara sa kabuuang system loss, kung saan ginamit niyang halimbawa ang non-technical system loss.
“Dahil po ang non-technical system loss ay mga nasa isa at hanggang 1.5% ng total kabuuang system loss nila, ito po ay magre-representa ng kabawasan doon sa kita nila; pero ito naman po ay maliit kumpara doon sa kabuuang system loss,” ani Juan.
Tanong tuloy ni Sen. Erwin ay kung hindi ba nila ito ika-ba-bankrupt, at pawang kabawasan lamang sa kinikita ng utility companies.
“Ang sa tingin naman po ng ERC, kung ito na ang magiging regulasyon, mag-a-adjust, mag-a-adapt ang ating mga utilities at maaaring mas masigasig sila sa panghuhuli ng mga nagnanakaw ng kuryente nang sa ganoon ay hindi naman maging malaki ang impact sa kanila ng pagtanggal ng halimbawa [ay] ‘yong non-technical system loss,” anang ERC chair.
Sinuportahan naman ni Department of Energy Undersecretary Riolita Inocencia ang mga naging pahayag ni Juan.
“Yes, I fully agree with the statement of the chair that the system loss adjustment could be a self-regulating mechanism for the [distribution utilities] and the [electric cooperatives] to make themselves more efficient,” saad ni Usec. Inocencia.
Matatandaang ipinanawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes, Hulyo 27, ang pagtatanggal ng system loss na ipinapapasan at pinababayaran sa mga konsyumer ng electric utility companies.
MAKI-BALITA: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente-Balita