Apat na katao, pawang nasa drug watch list, ang magkakasunod na itinumba ng mga ‘di pa nakikilalang suspek sa magkakahiwalay na lugar sa Barangay Malanday, Marikina City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni Eastern Police District (EPD) Director Police chief Supt. Romulo Sapitula ang mga biktima na sina Michelle Mergillano, Michael Vitalico, Emilio Lamsen III at Bernie Subungan, pawang nasa hustong gulang, at residente sa Bgy. Malanday.
Sa ulat ng Marikina City Police, unang napatay si Mergillano, dakong 7:45 ng gabi, sa loob ng kanyang bahay sa #1 Hyacinth Street, Libis, Bulelak.
Nakarinig na lang umano ng mga putok ng baril ang mga kapitbahay ni Mergillano at nang kanilang tingnan ay nakita nila ang suspek na tumatakas lulan sa motorsiklo.
Dakong 7:45 naman ng gabi, habang nanonood ng telebisyon, napatay si Vitalico sa loob ng kanyang bahay sa #17 Zinc St., Minahan Interior.
Nakikinood naman ng telebisyon si Lamsen, dakong 8:03 ng gabi, sa covered half court sa Kabayani Road, Purok 3 nang pagbabarilin ng dalawang suspek na lulan sa dalawang motorsiklo.
Matapos lamang ang pitong minuto, o pagsapit ng 8:10 ng gabi, pinagbabaril si Subungan sa Sunflower St.
Nakikipagkuwentuhan umano ang biktima sa kanyang mga kaibigan sa lugar nang hintuan sila ng mga suspek, lulan sa mga motorsiklo na walang plaka, at agad pinaulanan ng bala ang biktima. (Mary Ann Santiago)