Sugatan ang isang matandang lalaki matapos pagtatagain ng lalaking sinasabing kalaguyo ng kanyang dating asawa sa Tondo, Maynila kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center si Joseph Gorospe, 61, ng 1205 Clariben Compound, Rawis, Tondo, Maynila matapos tagain sa ulo, dibdib, siko at tenga ng suspek na si Marvin Mendez, 40, ng 1320 Carlos P. Garcia Street, sa Tondo.
Ayon kay Police Supt. Robert Domingo, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 1, dakong 8:14 ng gabi nangyari ang pananaga sa tahanan ng biktima.
Abala sa pagluluto ng hapunan ang biktima at kanyang anak nang bigla na lang dumating ang dati niyang asawa.
Pinigilan umano ng biktima na papasukin sa kanyang bahay ang dating asawa ngunit habang hinaharangan niya ito ay biglang lumitaw ang suspek at tuluyang pinagtataga ang biktima.
Nang makitang duguan ang biktima ay mabilis nang tumakas ang suspek na tinutugis na ngayon ng mga awtoridad at inaalam na rin kung may kinalaman sa love triangle ang insidente. (Mary Ann Santiago)