Kalunus-lunos ang sinapit na kamatayan ng isang dating adik na nagbabagong-buhay matapos siyang bistayin sa ulo ng apat na lalaki sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.
Base sa report ni Supt. Lito E. Patay, hepe ng Batasan Police Station 6, kinilala ang biktimang si Cristeta Ramos, alyas Kleng –Kleng, ng Altos Street, Barangay Batasan Hills.
Kaagad na nasawi si Ramos dahil sa tinamong tatlong tama ng bala sa ulo at leeg.
Lumitaw sa imbestigasyon ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), na dakong 2:00 ng umaga nang mangyari ang insidente sa tapat ng bahay ng kapatid ng biktima.
Nagsusugal umano ng pusoy si Ramos nang bigla itong nilapitan ng armadong lalaki na nakasuot ng bonnet at bull cap, hinatak at kinaladkad palapit sa tatlo pang suspek na nakasuot din ng bonnet at sombrero.
Ayon sa ina ng biktima, dating gumagamit ng droga ang kanyang anak ngunit huminto makaraang sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya.
Hinala ng pulisya, posibleng tauhan ng sindikato sa droga ang pumatay sa biktima. (Jun Fabon)