Sa tulong ng kuha ng closed circuit television (CCTV) camera, sa kulungan bumagsak ang tatlong lalaking magkakamag-anak matapos nilang gulpihin at agawan ng baril ang isang pulis sa Valenzuela City, nitong Sabado ng gabi.

Sa report ni Chief Insp. Rhoderick Juan, hepe ng Station Investigation Detective Management Branch (SIDMB), dinala sa Fatima Medical Center si PO2 Rico Valenzuela, nakatalaga sa Valenzuela City Police, dahil sa mga pasa sa ulo, mukha at katawan.

Nahaharap naman sa mga kasong robbery at physical injuries si Danilo Lorenzo at ang mga pamangkin niyang sina Rhoniel at Daniel Gabriel.

Base sa imbestigasyon, dakong 8:45 ng gabi at sakay sa kanyang motorsiklo si PO2 Valenzuela sa Santolan Road sa Barangay Gen. T. De Leon nang nabangga ng motorsiklong sinasakyan ng mga suspek ang motorsiklo ng pulis.

Politics

Pulong, balak itapat ni VP Sara kay Romualdez sa House Speakership?

Sa halip na humingi ng paumanhin, tumakas ang mga ito kaya hinabol sila ni PO2 Valenzuela hanggang sa abutan sa harap ng isang supermarket.

Nagpakilalang pulis ang biktima at hiningi ang driver’s license ni Danilo pero tumanggi ito at doon na pinagtulungang gulpihin ang pulis.

Kinuha umano ni Gabriel ang cell phone ni PO2 Valenzuela habang inagaw naman umano ni Danilo ang .9mm caliber service pistol ng pulis at binaril ito, ngunit hindi pumutok dahil naka-lock ang baril.

Nagsitakas ang mga suspek at dumiretso sa Police Community Precinct (PCP) 2 para sabihing naagaw nila ang baril ng isang armadong lalaki na nagtangka raw na barilin sila—ngunit taliwas ang kuwento ng magkakaanak sa kuha ng CCTV sa insidente. (Orly L. Barcala)