Naligo sa sariling dugo ang isang lalaki makaraang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek dahil sa umano’y pananakit nito sa isang matandang babae sa Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center si Allan Soleda, 30, ng Block 30, Lot 19, Labahita Street ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng hindi pa mabatid na kalibre ng baril sa iba’t ibang parte ng katawan.
Sa report ni Police Insp. Jesus Sagisi, hepe ng Station Investigation Unit, bandang 4:30 ng madaling araw may hawak na steel bar si Soleda at sa hindi malamang dahilan, pumasok ito sa bahay ni Crisencia Penasa, 62, sa Block 20, Lot 44, Dalagang Bukid, Longos at pinalo ito sa ulo.
Tumakas si Soleda nang makitang duguang bumulagta ang biktima na isinugod ng kanyang mga kaanak sa Jose Reyes Memorial Hopsital.
Walang kamalay-malay ang suspek na sinundan siya ng hindi pa nakikilalang lalaki at siya’y pinagbabaril.
(Orly L. Barcala)