Isang tama ng saksak sa leeg ang tinamo ng isang estudyante matapos umanong mapagdiskitahan ng isang grupo ng mga lalaki na kanyang nakasalubong sa Quiapo, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Kasalukuyang ginagamot sa si Patrick Albo, 18, ng M. H. Del Pilar Street, Barangay Palatiw, Pasig City habang arestado naman ang itinuturong suspek na si Rocky Dagami, 29, ng 734 Matapang St., Quiapo, Maynila.
Sa ulat ni Police chief Insp. Michael Garcia, deputy station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 3, dakong 11:00 ng gabi naganap ang pananaksak sa Matapang St., sa Quiapo, na sakop ng Bgy. 392, Zone 40.
Bago ang krimen, naglalakad umano pauwi ang biktima, kasama ang kanyang mga kaibigan, mula sa isang party nang makasalubong nila ang grupo ng mga suspek na naghahamon ng away sa mga taong dumaraan sa lugar.
Tinangka pa umanong umiwas ng biktima at kanyang mga kaibigan sa gulo at lumihis ng daan ngunit hinabol umano sila ni Dagami at ng pamangkin nitong si Joshua Carmelo, 18.
Nang maabutan ay walang sabi-sabing pinagsasaksak ni Dagami ang biktima.
Attempted murder ang kasong isinampa laban kay Dagami. (Mary Ann Santiago)