Pinaputukan ang isang 25-anyos na lalaki matapos niyang ilingan ang “tagay” na alok ng isang grupo na nag-iinuman sa Tondo, Maynila, kahapon ng madaling araw.
Kasalukuyang nilalapatan ng lunas si Ernesto Orejola, 25, binata, ng Daang Bakal Street, Tondo, dahil sa tinamong tama ng bala sa kaliwang tiyan at kaliwang bahagi ng ulo.
Samantala, tinutugis na ng mga awtoridad ang tumakas na mga suspek na kinilala lang sa mga alyas na “John Doe”, “Hapon”, na sinasabing pamangkin ng dating ka-live in partner ni Chikie Gato na kasalukuyang kinakasama ng biktima.
Sa ulat ni Police Supt. Alex Daniel, station commander ng Manila Police District (MPD)-Station 7, dakong 1:25 ng madaling araw nangyari ang krimen sa Pilar St., malapit sa riles ng Philippine National Railways (PNR), sa Tondo.
Naglalakad umano ang biktima sa nasabing lugar nang madaanan ang apat na lalaki, kilala umanong drug addict, na nag-iinuman.
Inalok umano ng grupo si Orejola na tumagay ngunit tinanggihan niya ang mga ito.
Sa puntong ito ay bigla na lang umanong sumulpot ang dalawang armadong lalaki, na kinabibilangan ni Hapon, at pinagbabaril ang biktima bago tumakas.
Ayon kay Daniel, dalawang anggulo ang tinitingnan nilang motibo sa pamamaril at ito ay ang ilegal na droga at love triangle. (Mary Ann Santiago)