Hindi na nakapalag ang apat na lalaki nang arestuhin sila ng mga tauhan ng Pasay City Police matapos maaktuhang nagsusugal ng cara y cruz sa magkahiwalay na insidente, nitong Miyerkules ng gabi.
Kasalukuyang nakakulong sina Jessie Lachica, 42; Nicanor Florida, 53, kapwa pedicab driver; Robertos Santos, 47, parking attendant; at Restituto Balagtas, 42, pawang residente ng Barangay 43, Zone 6, Pasay City.
Ayon sa pulisya, dakong 8:30 ng gabi unang inaresto ng mga nagpapatrulyang pulis sina Lachica at Florida sa Tramo Street, Bgy.43 habang nasa kainitan ng kanilang pustahan.
Nakuha sa mga suspek ang dalawang P1 na nagsilbing “pamato” sa cara y cruz at ang P61 na pusta.
Bandang 10:30 naman ng pagdadamputin sina Santos at Balagtas na nahuli sa aktong naglalaro ng cara y cruz sa panulukan ng Estrella at Jockian St., Bgy. 14.
Nakuha naman sa kanila ang P151 na pusta. (Bella Gamotea)