Aabot sa 100 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang matupok ang 50 bahay sa Muntinlupa City, kahapon ng umaga.
Sa inisyal na ulat ng Muntinlupa City Fire Department, pasado 9:00 ng umaga nagsimula ang apoy sa isang bahay sa Sitio Rizal-Pantastic, Barangay Alabang.
Mabilis umanong kumalat ang apoy hanggang sa nadamay ang mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials, gayundin ang ilang bodega sa lugar.
Mabilis namang nirespondehan ng mga bumbero ang sunog na umabot sa ikalawang alarma bago tuluyang naapula bandang 10:40 ng umaga.
Walang iniulat na nasaktan o namatay sa insidente habang inaalam ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng mga ari-ariang nasunog. (Bella Gamotea)