Duguang ibinulagta ng anim na armado ang isang construction worker na umano’y drug personality habang abala sa paghahalo ng semento sa Bagong Silang, Caloocan, kahapon ng umaga.
Kinilala ang biktima na si Achilis “Atoy” Tabili, ng Barangay 176, Bagong Silang, Caloocan City.
Ayon sa mga pulis, inatake si Tabili ng anim na armado habang abala sa trabaho sa Block 36 sa Bgy. 176, Bagong Silang, dakong 10:15 ng umaga.
Sinugod umano ng mga suspek, pawang nakasuot ng helmet, si Tabili. Binubot nila ang kanilang mga baril at pinagbabaril ang walang kalaban-laban na biktima.
Matapos isagawa ang krimen, bitbit ang kani-kanilang armas, ay agad sumakay ang mga suspek sa dalawang motorsiklo.
Samantala, isinugod pa si Tabili sa Dr. Jose Rodriguez Memorial Hospital ngunit patay na ito.
“Tabili was a drug personality according to the North Caloocan Police—a suspected user and pusher of shabu. He was also a suspect for killing a police asset who he thought was divulging his illegal activities,” sinabi ni Sr. Supt. Chito G. Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, sa Balita. (Jel Santos)