Kapag tuluyan nang nakulong dahil sa mga kasong kriminal na kinahaharap sa Department of Justice (DoJ), may isang porsiyento lang ang tsansang mabiktima ng extrajudicial killing (EJK) si Senator Leila de Lima gaya ng pinangangambahan ng senadora.
Gayunman, tiniyak kahapon ni DoJ Secretary Vitaliano N. Aguirre II na 99 na porsiyentong ligtas si De Lima sa magiging kulungan nito, na posibleng sa Philippine National Police (PNP) Custodial Center sa Camp Crame sa Quezon City.
“Definitely she will be safe,’’ sabi ni Aguirre, matapos tanungin ng mga mamamahayag tungkol sa pangamba ni De Lima sa sariling kaligtasan, kaya ito humihingi ng hiwalay na piitan.
Duda naman ang senadora sa naging pahayag ni Aguirre, partikular sa 99 na porsiyentong kaligtasan sa piitan na ibinigay nito sa kanya.
“99 percent? May one percent pa pala,’’ sabi ni De Lima kaugnay ng pangambang mabiktima siya ng EJK habang nakapiit.
Ibinigay ni Aguirre ang nasabing pahayag matapos na kumpirmahin ng bicameral Commission on Appointments (CA) ang kanyang pagkakatalaga bilang Justice secretary, sa kabila ng pagtatangka ni Sen. Antonio F. Trillanes IV na tanggihan ng CA justice commission ni Sen. Loren Legarda ang kanyang appointment.
Sa nasabing pagdinig, personal na humingi ng paumanhin si Aguirre kay Trillanes sa kanyang mga dati nang nasabi sa senador, at iginiit na ang mga hindi magandang nasabi niya ay epekto lang ng “pressure” ng kanyang trabaho bilang kalihim ng DoJ.
Muli ring itinanggi ni Aguirre ang mga paratang sa kanya ni Trillanes na may kinalaman siya sa P50-M bribery scandal sa Bureau of Immigration (BI). (MARIO CASAYURAN at BETH CAMIA)