Sa pagdiriwang ng Valentine’s Day kahapon, nanawagan ang isang obispo ng Simbahang Katoliko sa publiko na ipadama ang pag-ibig sa mga nangangailangan.

Ipinanalangin ni Laoag Bishop Renato Mayugba na ngayong Buwan ng mga Puso ay magkaroon ng puso ang lahat na tulungan ang mga biktima ng lindol sa Surigao del Norte at Agusan del Norte.

“Inaanyayahan natin ang ating mga kababayan na manalangin sa araw na ito, Araw ng Puso na magkaroon tayo ng puso para sa ating mga kapatid, lalong-lalo na sa mga nasalanta ng napakalakas na lindol sa Surigao at Agusan. Tayo po’y nagdarasal na sana Panginoon ay basbasan ninyo ang lahat ng mga nagmamahal ngayon at ipagkaloob sa lahat yung kalooban para sa ating mga kapatid dun sa Surigao at anumang uri tulong na puwede nating maibigay sa kanila,” bahagi ng dasal ng obispo.

Ayon pa kay Mayugba, ang diwa ng selebrasyon ng Valentine’s Day o ni St. Valentine ay ang pagmamahal na hindi pansarili kundi pagmamahal na umaabot sa pangangailangan ng kapwa.

Eleksyon

Proklamasyon ng 'magic 12' sa 2025 midterm polls, tuloy sa Mayo 17

PEKENG TUGADE

Samantala, nagbabala ang Department of Transportation (DoTr) sa publiko laban sa mga mapagsamantala sa trahedyang naganap sa Surigao City at ginagamit ang pangalan ni Secretary Arthur Tugade upang makapambiktima ng mga tao na nais tumulong sa mga nilindol.

Nakatanggap ang DoTr ng ulat na may mga nagpapanggap bilang si Tugade at gumagamit ng Facebook o SMS message upang manghingi donasyon para sa mga biktima ng lindol.

Ipinaskil ng DoTr sa Twitter account nito ang screenshot pag-uusap ng isang ‘kawatan’ at ng biktima nito na inutusan niyang ideposito sa bank account ng kanyang umano’y sekretaryang si ‘Abbie Tudtud’ ang donasyon para sa mga biktima ng lindol.

“WARNING: Beware of FB or SMS messages using the name of Sec. Art Tugade to solicit donations for earthquake victims in Surigao,” paskil ng DoTr. (MARY ANN SANTIAGO)