NAKAMIT ng Far Eastern University ang ikapitong men’s title, habang kinumpleto ng University of Santo Tomas ang three-peat sa women’s division sa pagtatapos ng UAAP Season 79 athletics championships sa Philsports oval sa Pasig.
Namayani ang Tamaraws sa pamumuno ni Janry Ubas na umani ng gold medal sa long jump, triple jump, high jump at decathlon.
Kumolekta ang Tamaraws ng kabuuang 404 puntos para talunin ang pumangalawang Growling Tigers na nakatipon ng 244 puntos at De La Salle, na nagtapos na pangatlo sa natipong 243 puntos.
Dahil sa panalo, nakamit ng FEU ang league-best 25 championship.
Si Ubas na nagwagi ng MVP award ay nagtala rin ng bagong league record sa long jump (7.39 meters) at high jump sa decathlon competition (2.05 meters).
Pinamunuan naman ang Tigresses ni double gold medalist Louielyn Pamatian, para sa kabuuang 490 puntos kontra sa 401 puntos ng second placer Lady Tamaraws para sa ikapitong titulo.
Pumangatlo ang University of the Philippines na may 165 puntos. Nagwagi si Pamatian sa 1,500-meter at 800-meter run bukod pa sa silver finish nito sa 400-meter para tanghaling season MVP sa women’s class.
Winalis naman ng University of the East ang boys at girls title sa nalikom na 553 at 524 puntos, ayon sa pagkakasunod sa pamumuno nina James Darrel Orduña at Ellah Therese Sirilan na siyang nahirang na MVP. (Marivic Awitan)