BINABRASO ni House Speaker Panteleon Alvarez ang pagpapasa ng parusang kamatayan sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Lahat ng salungat sa panukalang ito ay pinagbantaan niyang aalisin sa mga posisyong kanilang tangan-tangan. Ang mga naiulat na tatanggalin niya sa kani-kanilang puwesto ay sina Cong. Gloria Macapagal Arroyo bilang Deputy House Speaker at ang tatlong militanteng party-list representative sa kanilang mga pinamumunuang komite.
Mula’t sapul naman ay laban na sa death penalty si CGMA. Noong Pangulo si Mayor Joseph Estrada, sunud-sunod ang mga na-lethal injection. Subalit nang mapatalsik ito at ang bise-presidente niyang si CGMA ang humalili sa kanya, sinuspinde ng huli ang parusang kamatayan. Hindi ito ipinairal ni Arroyo sa buong panahong siya ay nanungkulan bilang Pangulo.
Sa tingin ko, double barrel laban kay CGMA ang banta ni Speaker Alvarez na aalisin niya sa pwesto ang mga kongresistang hindi kakatig sa kanya sa pagsusulong niya ng death penalty. Ang panukalang ito ay nagbuhat kay Pangulong Digong. Dahil galing nga rito, gumagawa ng paraan si Speaker Alvarez upang magkaroon ng kaganapan ang pagnanais nito. Isa na rito ang paggamit ng puwersa gaya ng pag-alis sa katungkulan sa Kamara ng mga tutol sa panukala ng Pangulo.
Eh, matunog ang balita na papalitan ni CGMA si Alvarez sa pagka-Speaker. Dahil laban sa gusto ni Pangulong Digong si CGMA, mawawala na siya sa pagka-Deputy Speaker, maaaring mawalan pa ng karibal si Alvarez sa pagka-Speaker.
Pero ang problema, ang panukalang death penalty ang ginagawan ng paraan para maipasa. Inalis natin ito sa Saligang Batas pagkatapos ng masusing pag-aaral na hindi ito nakapipigil sa paggawa ng krimen. Naging bahagi ito ng comprehensive social and economic reforms na itinakda ng Konstitusyon.
Ang layunin ng reporma ay ikalat, para pakinabangan ng lahat, ang kayamanan ng bansa. Ang gobyerno ay epektibong nagagamit sa layuning ito. Pero, ang ipinairal lang sa mahahalagang probisyon ng... Konstitusyon ay ang pag-alis sa parusang kamatayan. Paanong masusugpo ang krimen at mapatitiwasay ang lipunan, eh, hindi naman ipinairal ang buong Saligang Batas? Transparency, public accountability at lahat ng probisyong magpapadami ng trabaho at pagkain at magpapaunlad ng bansa ay hindi rin ipinairal. Bagkus, ang mga makabubuti sa iilan, tulad ng political dynasty, pork barrel, pekeng reporma sa lupa, kontrol ng iilan sa mga batayang serbisyo at pangangailangan ang nanaig sa mga mabuti at mahalagang probisyon ng Saligang Batas na lulunas sana sa kahirapan at kagutuman ng mamamayan.
Kung hindi rin mapipigilan ang ang pagpapasa ng death penalty, ang dapat patawan nito ay ang mga sangkot sa plunder at pandaraya sa halalan. (Ric Valmonte)