Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na higit sa 80,000 indibidwal ang apektado bunsod ng pinagsamang epekto ng tropical depression Luis, tropical storm Maymay, at southwest monsoon o habagat, as of 6:00 ng umaga nitong Huwebes, Agosto 6.
Ayon sa NDRRMC, patuloy ang pagbuhos ng ulan at paghaba sa ilang lugar bunsod ng nasabing masamang panahon—dahilan upang ilikas ang libo-libong residente sa iba’t ibang evacuation areas sa bansa.
Kaugnay nito, matatandaang inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Miyerkules, Agosto 5, na sila ay naghanda ng higit limang milyong family food packs (FFPs) para sa mga komunidad at residenteng posibleng maapektuhan ng tropical storm Maymay.
Kasama rin nito ang 349,941 ready-to-eat food (RTEF) boxes at 257,875 non-food items (NFIs) bilang tulong para sa mga maaapektuhang pamilya ng nasabing kalamidad.
MAKI-BALITA: Higit 5M food packs, nakahanda para sa posibleng epekto ni 'Maymay'—DSWD-Balita
Base naman sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Service Administration (PAGASA), inaasahang hihina na ang tropical storm na si Maymay habang binabagtas nito ang Hilagang Luzon ngayong Huwebes, Agosto 6.