August 06, 2026

Home BALITA National

Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, pumalo na ng 2.59 milyon!

Bilang ng mga Pilipinong walang trabaho, pumalo na ng 2.59 milyon!
Photo courtesy: MB file photo

Tumaas ang unemployment rate sa Pilipinas noong Hunyo 2026 habang bahagyang bumaba naman ang underemployment rate, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).

Batay sa inilabas na Labor Force Survey ng PSA nitong Huwebes, Agosto 6, 2026, umakyat sa 4.9% ang unemployment rate noong Hunyo mula sa 4.8% noong Mayo. 

Mas mataas rin ito kumpara sa 3.7% na naitala sa kaparehong buwan noong 2025. Katumbas ito ng tinatayang 2.59 milyong Pilipinong walang trabaho.

Sa kabila nito, lumago pa rin ang kabuuang bilang ng mga may trabaho sa bansa sa 49.63 milyong manggagawa, na iniuugnay sa pagtaas ng labor force participation rate sa 65.1%, o katumbas ng 53.25 milyong aktibong manggagawa.

Pinakamalaking ambag sa paglikha ng mga trabaho ang sektor ng accommodation at food services, gayundin ang administrative at support services. Samantala, pinakamalaki naman ang naitalang pagbaba sa sektor ng retail at wholesale trade, na nawalan ng tinatayang 903,000 manggagawa kumpara noong nakaraang taon.

National

Higit 80k residente apektado bunsod ni 'Luis,' 'Maymay,' habagat

Ayon kay National Statistician Claire Dennis Mapa, posibleng nakaapekto ang mataas na inflation sa pagbagsak ng bilang ng mga manggagawa sa naturang sektor.

“Substantial doon sa retail sale, posibleng may impact yung ating elevated inflation,” ani Mapa sa media.

Malaki rin ang ibinaba ng bilang ng mga manggagawa sa subsector ng pangingisda at aquaculture, na nawalan ng tinatayang 467,000 trabaho kumpara noong nakaraang taon.

Sinabi ni Mapa na maaaring may kaugnayan ito sa pagtaas ng gastos sa operasyon, partikular sa presyo ng diesel.

“Ito yung nakita rin namin na of course pwedeng hindi sila lumabas dahil sa nga may impact doon sa input nila which is the diesel,” dagdag niya.

Naging hamon din ang sitwasyon sa labor market para sa kabataan. Bagama't mas maraming kabataang edad 15 hanggang 24 ang pumasok sa labor force, bumaba ang employment rate ng nasabing age group sa 86.5% mula sa 90.6% noong Hunyo 2025.

Ayon kay Mapa, sa 650,000 bagong pumasok sa labor force, nasa 592,000 ang kabilang sa edad 15 hanggang 24. Gayunman, 310,000 lamang sa kanila ang nakahanap ng trabaho.

Samantala, bahagyang bumuti ang kalidad ng trabaho sa bansa matapos bumaba ang underemployment rate sa 12.1% noong Hunyo mula sa 12.2% noong Mayo. 

Tinatayang nasa 6.11 milyong manggagawa ang kabilang sa underemployed o yaong may trabaho ngunit naghahanap pa ng dagdag na oras ng trabaho o karagdagang mapagkakakitaan.

Patuloy namang nanguna ang sektor ng serbisyo sa pagbibigay ng trabaho sa bansa, na sumasaklaw sa 62.7% ng kabuuang workforce.