CARCAR CITY, Cebu – Sasailalim sa psychiatric test ang 40-anyos na suspek sa pagdukot at umano’y panghahalay sa isang apat na buwang babae upang matukoy ang lagay ng katinuan ng kanyang pag-iisip matapos siyang maaresto nitong Huwebes ng hapon, ayon sa pulisya.
Sinabi ni Carcar City Police chief Supt. Jose Liddawa na sasailalim sa psychiatric test si Jonathan Marfe kasunod ng umano’y pagdukot at panggagahasa nito sa isang sanggol.
Ilang araw pa lang sa lugar galing sa Katigbian, Bohol, inaresto ng mga pulis si Marfe batay sa mga ebidensiyang nagtuturo rito bilang suspek sa panghahalay sa sanggol.
Ayon kay Supt. Liddawa, nakarekober ang mga pulis ng karton na may mga bahid ng dugo mula sa silid na nirerentahan ng suspek. Sinabi rin sa pulisya ng isang testigo na nakita niya si Marfe habang patungo sa bahay ng sanggol ilang oras bago ang insidente.
Bandang 1:00 ng umaga nitong Huwebes nang natagpuan ng isang kapitbahay ang pumapalahaw na sanggol sa ilalim ng puno ng niyog. Batay sa pagsusuring medikal, kumpirmadong nagdurugo ang ari ng sanggol.
Sinabi naman ni Marfe sa mga mamamahayag na wala siyang ginawa sa sanggol, bagamat inamin niyang nalasing siya matapos makipag-inuman nitong Miyerkules ng gabi. Itinanggi rin niyang gumagamit siya ng droga.
Ayon kay Supt. Liddawa, tinitingnan din ng pulisya ang mga ulat na may kinahaharap na kaso ng attempted rape si Marfe sa Bohol. Napaulat na umalis ang suspek sa Bohol matapos umanong pagtangkaang gahasain ang pamangking babae ng kanyang asawa.
Sasampahan ng pulisya ng kaukulang mga kaso si Marfe bukas, Pebrero 13, habang nagpapagaling pa ang sanggol sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City. (Mars W. Mosqueda, Jr.)