Habang isinusulat ang balitang ito ay nag-aagaw buhay ang isang sales agent matapos mapagtripan at pagsasaksakin ng tatlong adik sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Nakaratay ngayon ospital si Arnel Bermudez, 30, sanhi ng mga saksak sa kaliwang dibdib.
Sa imbestigasyon ni PO3 Noel Bollosa, bandang 8:00 ng gabi, naglalakad ang biktima sa kahabaan ng A. Mabini Street, Barangay 3, Caloocan City.
Pagtapat sa isang pawn shop, lumapit umano ang mga suspek at walang sabi-sabing pinagsasaksak si Bermudez.
Napilitang magsipagtakbo ang tatlo nang mapansin na dumadami na ang tao sa paligid.
Ayon sa mga imbestigador, posibleng nakursunadahan ang biktima dahil sa pananamit nito.
Inaalam pa ng Caloocan Police kung may CCTV sa lugar para sa pagkakakilanlan ng mga suspek. (Orly L. Barcala)