Aabot sa 250 bahay ang natupok habang isang bagong na silang na sanggol ang nasawi sa sunog sa Malabon City, nitong Miyerkules ng hapon.

Nadala pa sa Pagamutang Bayan ng Malabon ang biktima ngunit namatay din makaraang hindi makahinga nang maayos dahil sa nalanghap na usok.

Nakaligtas naman ang ina ng bata na si Janelle Mnganay matapos ding mahirapang huminga.

Ayon sa Malabon Fire Station, bandang 5:00 ng hapon nang masunog ang 250 bahay sa Dulong Hernandez Street, Barangay Catmon, Malabon City.

Eleksyon

Ex-Pres. Rodrigo Duterte, tatakbong mayor sa Davao City; ayaw tumakbong senador?

Dakong 1:00 ng madaling araw kahapon nang ideklarang fire out ang sunog na umabot sa Task Force Bravo.

Inaalam pa ang sanhi ng sunog at halaga ng ari-ariang natupok.

Samantala, sa Pasay City, sugatan ang limang katao, dalawa sa mga ito ay bumbero, matapos masunog ang isang bodega, nitong Miyerkules ng gabi.

Sa pagsisiyasat ni Fire Marshal Supt. Carlos Dueñas, dakong 6:30 ng gabi nagsimula ang apoy sa rooftop ng Ramesh Trading Corporation, sa Arnaiz Avenue, Bgy. 108 ng naturang lungsod.

Tinatayang aabot sa P500,000 ang halaga ng ari-ariang natupok ngunit inaalam pa rin ang sanhi ng sunog.

(ORLY L. BARCALA at BELLA GAMOTEA)