Nalagutan ng hininga ang isa sa mga preso ng Manila Police District (MPD)-Station 1 dahil umano sa “severe dehydration” makaraang magtae sa loob ng piitan sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Una rito, dalawang araw naratay sa Tondo Medical Center si Rodolfo Zamora, dating nakatira sa Smokey Mountain, sa Tondo, bago tuluyang namatay dakong 5:00 ng hapon.
Sa imbestigasyon ni PO2 Christian Khalid, ng MPD-Station 1, Pebrero 6 nang idaing ng biktima ng pananakit ng kanyang tiyan dahil sa diarrhea.
Napansin ng duty jailer na namumutla at hirap na ang biktima kaya napagdesisyunan na isugod na ito sa nasabing ospital ngunit nasawi rin ito.
Nabatid na nakulong si Zamora matapos na maaresto sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act 9165 (illegal possession of dangerous drugs) noong Enero 15, 2017. (Mary Ann Santiago)