Sugatan ang isang 49-anyos na babae makaraang pagsasaksakin ng kamag-anak ng kanyang kinakasama dahil sa hindi nito pagpunta sa burol ng huli sa Aroma Temporary Housing, sa Tondo, Maynila kamakalawa.
Kasalukuyang nagpapagaling sa ospital si Emelinda Gumatay, ng Dubai Block 1, Baseco Street sa Port Area, Maynila, dahil sa tatlong tama ng saksak sa likod.
Sa imbestigasiyon ni PO2 Christian Khalid, ng Manila Police District (MPD)- Station 1, dakong 4:00 ng hapon naganap ang insidente sa ‘di kalayuan sa bahay ng suspek na nakilala lamang sa alyas na “Dudong”, ng Temporary Housing Building 14, sa Tondo.
Bago ang pananaksak, nagtungo umano ang biktima sa dati nilang tinutuluyan ng kanyang ‘di pinangalanang live-in partner para kunin ang kanyang mga gamit.
Nakita umano ni Dudong si Gumatay at sinita ang huli dahil sa hindi pagpunta sa burol ng kanyang kinakasama na napatay sa Oplan Tokhang sa Navotas City kamakailan.
Nangatwiran umano ang biktima na matagal na silang hindi nagsasama ng dating live-in partner at abala siya sa pag-aalaga ng apo kaya ‘di nakasilip sa burol.
Nauwi sa pagtatalo ang komprontasyon at sinaksak ni Dudong si Gumatay bago tuluyang tumakas. (Mary Ann Santiago)