Dahil sa patuloy na kampanya kontra ilegal na droga, umabot na sa 19 na barangay sa Quezon City ang drug free, iniulat kahapon ng QC Anti-Drug Abuse and Advisory Council (QCADAAC).
Sinabi ni Vice Mayor Joy Belmonte, chairman ng QCADAAC, na kaaakibat nila ang Quezon City Police District (QCPD), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Barangay Public Service Office (BPSO) sa pagsubaybay sa 19 na barangay na malinis na sa droga.
Unang idineklarang drug free ang mga barangay ng Damar, Horseshoe, Valencia, Blue Ridge B, Mangga, Quirino 3B- Claro, Kalusugan, Libis at West Triangle.
Sumunod naman ang Barangay Maharlika, Philam, Paligsahan, Laging Handa, Capri, Nova Proper, Greater Fairview, Greater Lagro at New Era.
Ang mga nasabing barangay ay dating pinamumugaran ng mga adik at tulak ng ilegal na droga bago nagsagawa ng anti-drug operation ang mga awtoridad.
Sinabi ni Belmonte na ipagpapatuloy ang kampanya para tuluyang iwasan ng mga kabataan ang ipinagbabawal na gamot.
Iniulat pa niya na may mga seminar hinggil sa kaalaman sa droga, at bukas sa lahat ng mga drug user ang “Tahanan Rehabilitation Center”. (Jun Fabon)