HINDI na maiiwasan ni IBF light flyweight champion Akira Yaegashi ang pagdepensa ng kanyang titulo kay interim titlist Milan Melindo ng Pilipinas.

Nakatakda ang laban noong pang isang taon, ngunit naunsiyama matapos magtamo ng pinsala sa kamay si Yaegashi.

Ngunit, halatang nag-inarte lamang si Yaegashi dahil matapos sungkitin ni Melindo ang interim light flyweight title via desisyon kay IBF No. 3 Fahlan Sakkreerin Jr. noong Nobyembre, nagawa naman nitong magdepensa kay Thai Wittawas Basapean na tinalo nito sa12th round TKO noong Disyembre.

Ayon kay ALA Promotions President Michael Aldeguer, sa Marso dapat maghaharap sina Yaegashi at Melindo pero humirit ang kampo nito na sa Mayo gawin ang sagupaan sa Japan.

Basketbolistang lumabag sa 'anti-drug program' ng NBA, suspendido ng 25 games, lugi rin ng ₱690M!

Ito ang ikatlong pagtatangka ni Melindo na maging kampeong pandaigdig matapos unang mabigo sa 12-round unanimous decision kay dating WBA at WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada noong 2013 sa Cotai Arena, Macau , China.

Sunod-sunod niyang tinalo sina Mexican WBA interim light flyweight champion Jose Alfredo Rodriguez at one-time world title challenger Martin Tecuapetla at Saul Juarez bago hinamon si IBF light flyweight champion Javier Mendoza sa Mexico ngunit natalo siya sa kontrobersiyal na 6th round technical decision noong 2015.

May rekord ang hindi lumalaban sa labas ng Japan na si Yaegashi na 25-5-0, tampok ang 13 knockout, samantalang si Melindo na kumasa na sa United Arab Emirates, China at Mexico at may kartadang 35-2-0, kabilang ang 12 knockout.

(Gilbert Espeña)