Ipatutupad simula sa Pebrero 13, Lunes, ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang jeepney ban sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) upang pagaanin ang daloy ng trapiko sa naturang lansangan.
Aabot sa 3,000 jeep na bumibiyahe sa rutang Guadalupe Nuevo patungong Maynila ang apektado sa jeepney ban sa EDSA simula 6:00 ng umaga sa Lunes.
Ayon kay Jefrrey Baluyot, konsehal ng Brgy. Guadalupe Nuevo, ang apektadong mga jeep ay may rutang Gate 3 Housing, AFP Housing at Leon Guinto, Maynila.
Nilinaw naman ng MMDA na ang mga pribadong sasakyan lamang ang pinapayagang dumaan sa naturang lugar.
Batay sa napagkasunduan sa pulong kahapon, maaaring bumiyahe ang mga jeep mula sa Magsasay St., Brgy. Guadalupe Nuevo, dumaan sa P. Burgos St., papuntang P. Victor St., at lumabas sa Sgt. Yabut patungong destinasyon.
Maglalagay naman ang MMDA ng mga traffic sign sa naturang lugar upang gabayan ang mga jeepney driver sa bagong mga ruta.
Babala ni Neomie Recio, director ng MMDA Traffic Engineering Center, sa Lunes ay buong puwersang ipatutupad ang naturang programa kaya magkakasa sila ng panghuhuli sa mga lalabag sa patakaran.
Nasa 100 tauhan ng ahensiya ang ipakakalat para sa clearing operation, anti-jaywalking at illegal parking bukod pa rito ang mga tauhan ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na katuwang sa implementasyon ng jeepney ban.
Puspusan na ang pakikipag-ugnayan ng MMDA sa mga negosyante na maaapektuhan ng nasabing programa lalo na’t planong ipatupad na maaari lamang mag-deliver ng kanilang produkto simula 11:00 ng gabi hanggang 4:00 ng madaling araw.
Ipatutupad din nila na sampung minuto lamang puwedeng magbaba at magkarga ng kanilang produkto ang mga delivery truck sa mga lugar na itinuturing na “tow away zones”. (Bella Gamotea)