Nakipag-ugnayan na ang Philippine National Police (PNP) sa Philippine Air Force (PAF) para sa eroplanong sasakyan ng mga tiwaling pulis na sinibak sa Metro Manila at itatapon sa Mindanao.

Sinabi ni Police Director Oscar Albayalde, hepe ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) na madedestino sa Basilan ang may 387 na pulis scalawags.

Ayon kay Albayalde, nakipag-ugnayan na sila sa PAF para sa eroplanong maghahatid sa may 387 na tiwaling pulis.

Dagdag pa ng opisyal, maglalaan ng pondo ang PNP sa regional at provincial sakaling kailanganin nilang personal na dumalo sa mga kasong kinakaharap nila sa mga korte sa Metro Manila.

Eleksyon

Mayoral bet, pumalag sa isyu ng driver niyang dinakip dahil sa 'food packs'

Magugunita na hinarap ng Pangulo Rodrigo Duterte ang 387 pulis na sangkot sa iba’t ibang kaso at pinaglinis ng Ilog Pasig bago iniutos na ililipat sila ng destino sa Basilan.

Binigyan ng 15 araw para makapag-empake ang mga pulis na idedestino sa Basilan.

Dalawang taon ang bubuuin ng mga pulis sa bagong destino bilang parusa sa kanilang mga kasalanan.

Makakasama nila ang ilang batalyon ng mga sundalo na susubaybay sa kanila. (Fer Taboy)