Natagpuang palutang-lutang ang bangkay ng babaeng negosyante sa isang ilog sa Barangay Manggahan sa Pasig City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ng Eastern Police District (EPD), dakong 5:30 ng madaling araw nang masilayan ang bangkay ni Isidra Delumban, 56, ng Almeda Street, Pateros at may may-ari ng isang kariderya.
Ayon kay Divina Garcia, kapatid ng biktima, nagpaalam si Isidra sa kanyang mga anak na bibili lang ng gamot dahil masakit ang tiyan nito ngunit hindi na ito muling umuwi.
Nagulat na lang umano sila nang mabalitaang palutang-lutang sa Pasig River ang bangkay ng biktima.
Palaisipan pa sa mga awtoridad at mga kaanak ng biktima kung ano ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)