Sa kabila ng mahigpit na seguridad sa Metro Manila, nagtagumpay ang apat na armadong lalaki sa pag-atake sa isang massage spa center sa Makati City, nitong Lunes ng gabi.

Dumulog sa tanggapan ng Makati City Police si Ma. Regina Penaflorida y Libanan, 30, may-ari ng Himawari Massage sa No. 104 Heart Land Building, Chino Roces Street, Barangay San Antonio ng nasabing lungsod.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang mga pulis laban sa apat na suspek na sakay sa dalawang motorsiklong walang plaka.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District–Public Information Office (SPD-PIO) chief Supt. Jenny Tecson, dakong 11:55 ng gabi nangyari ang panghoholdap sa loob ng naturang parlor.

Eleksyon

Teddy Casiño, nakasama sina Heidi Mendoza, Luke Espiritu: ‘Maybe next time’

Ayon kay Penaflorida, biglang pumasok sa kanyang parlor ang apat na salarin na armado ng maliliit na kalibre ng baril kasabay ng pagdedeklara ng holdap.

Tinangay ng mga suspek ang kinita ng parlor, aabot sa P20,000, at kinuha rin ng mga ito ang mga cell phone ng mga empleyado bago tuluyang tumakas sakay sa motorsiklo. (Bella Gamotea)