Patay ang isang ama habang malubha namang nasugatan ang kanyang anak nang madaganan ng isang tumagilid na delivery van habang lulan sa bisikleta sa Barangay Ugong, Pasig City, kahapon ng umaga.
Dead on the spot si Ernesto Abuel, 61, ng 2424 Victorino Street, Barangay Bambang, Pasig City, nang maipit at magtamo ng matinding sugat sa ulo at katawan.
Samantala, nagpapagaling naman sa ospital ang kanyang anak na si Deborah Abuel, 32, dahil sa tinamong pinsala sa katawan at ulo.
Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang driver ng van, kinilalang si Wilfredo Rafols, matapos tumakas at abandonahin ang van.
Sa imbestigasyon ni SPO3 Yohan Vega, ng Pasig Police Vehicular Investigation Unit, dakong 8:45 ng umaga nangyari ang aksidente sa northbound ng C5 Road sa Barangay Ugong.
Magkaangkas umano ang mag-ama sa kanilang mountain bike nang makasabay nito ang Shenyang- Jinbei Aluminum van (TOZ 416) na minamaneho ni Rafols.
Bigla umanong kumabig pakanan ang van na naging dahilan upang mawalan ito ng balanse at tumagilid hanggang sa nadaganan ang mag-ama. (Mary Ann Santiago)