Nagsasagawa ng monitoring ang Department of Labor and Employment (DoLE) sa inaasahang malawakang kawalan ng trabaho kasunod ng nakatakdang pagsasara sa 23 minahan.

Sinabi ni DoLE-Bureau of Local Employment (BLE) Director Dominique Tutay na makikipag-ugnayan sila sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) upang magkaloob ng alternatibong kabuhayan at pagkakakitaan sa mga maaapektuhang manggagawa.

“Our regional offices do coordinate with the mining firms and workers relative to closure if any...and provide them with the necessary assistance,” sabi ni Tutay. “We are monitoring the situation if ever there will be a displacement...our TUPAD (Tulong Pangkabuhayan sa Ating Disadvantaged/Displaced) and livelihood programs are ready to accommodate them.”

Alinsunod sa TUPAD, bibigyan ang mga benepisyaryo ng emergency employment mula 10 hanggang 30 araw.

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol

Ipinag-utos noong nakaraang linggo ni DENR Secretary Gina Lopez ang pagpapasara sa 23 large-scale mining firm sa kabiguang makatupad sa mandatory safety standards.

Kinondena ng industriya ng minahan ang nasabing desisyon ni Lopez na hindi umano sumailalim sa proseso at maaaring magbunsod ng pagkawala ng trabaho ng nasa 1.2 milyong manggagawa.

Iginiit naman ni Lopez na maaari siyang magkaloob ng alternatibong kabuhayan sa mga maaapektuhang manggagawa sa susunod na 18 buwan dahil gagawin niyang ecotourism sites ang mga ipinasarang minahan.

“Give me a year and a half, maximum two years. They’ve (mga minahan) been there for 77 years. A green economy can create more jobs than the mining could ever (create),” paniniyak ni Lopez.

Kabilang sa mga ipinasara ng kalihim ang Aam-PhilNatural Resources Exploration and Development Corp., Krominco Inc., SinoSteel Philippines H.Y. Mining Corp., Oriental Synergy Mining Corp., Wellex Mining Corp., Libijo Mining Corp., at Oriental Vision Mining Philippines Corporation. (Samuel P. Medenilla at Rommel P. Tabbad)