May 22, 2026

Home BALITA Politics

'Stupid!' Sen. Padilla, inaming 'di importante sa kanila ICC warrant vs Sen. Dela Rosa

'Stupid!' Sen. Padilla, inaming 'di importante sa kanila ICC warrant vs Sen. Dela Rosa
Photo courtesy: Robin Padilla/FB


Tahasang inihayag ni Sen. Robin Padilla na wala umanong kahalagahan para sa kanila ang inihaing warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa.

Kaugnay ito sa pagsasapubliko ng ICC sa arrest warrant laban sa mambabatas noong Lunes ng gabi, Mayo 11, para sa kasong crimes against humanity.

KAUGNAY NA BALITA: VP Sara sa pagtugis umano ng ICC kay Dela Rosa: 'Mali iyan!'-Balita

Sa pakikipanayam ni Sen. Robin sa media nitong Martes, Mayo 12, inamin niyang hindi nila napag-uusapan ang naturang warrant of arrest; at para sa kanila, ito ay hindi valid.

“Hindi namin napag-uusapan, sa totoo lang,” saad ni Sen. Robin.

Aniya, “Kasi para sa amin, hindi importante sa amin ‘yon e.”

“Para sa amin, hindi valid ‘yon,” giit pa niya.

Anang senador, mababahala lamang sila kung ang warrant of arrest ay inisyu mula sa bansa.

“Kung warrant ‘yon galing sa Pilipinas,’yon mababahala kami. Pero kung warrant sa ibang bansa, stupid,” anang senador.

Pagkukuwento pa ni Sen. Robin, sinamahan niya si Sen. Bato buong gabi at nakatulog naman daw ito nang maayos.

“Wala naman, nagkukuwentuhan lang kami kung ano ‘yong mga kinakain niya doon sa bundok,” ani Sen. Robin.

Sa kasalukuyan, mahigpit na binabantayan ang opisina ni Sen. Bato sa Senado.