Nanindigan si Vice President Sara Duterte na mali ang tangkang pagtugis umano ng mga awtoridad kay Sen. Ronald “Bato” dela Rosa sanhi ng lumabas na warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC).
Matatandaan kasing naging mainit ang tensyon sa Senado noong Lunes, Mayo 11, 2026, nang magawang takbuhan ni Dela Rosa ang mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos siyang habulin ng mga ito sa pagdalo niya sa kanilang sesyon.
Sa pagdating ni Dela Rosa sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.
KAUGNAY NA BALITA: 'Hinarang ako!' Sen. Bato, galit na sumulpot sa Senado
Ayon naman sa inupload na video ng Duterte supporter na si Alvin Sarzate sa panayam nila kay VP Sara noong Lunes (araw sa The Hague, Netherlands), Mayo 11, sinabi ng Bise na mali raw ang ginagawang pagtugis kay Dela Rosa kagaya na rin ng maling paghuli ng mga awtoridad noon sa kaniyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
“Mali iyan. Tulad ng ginawa nila kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, mali din iyon,” pagsisimula niya.
Diin ni VP Sara, dapat daw dumaan muna sa Korte ng Pilipinas ang isang warrant of arrest na hindi nanggaling sa sariling hukuman ng bansa.
“Dahil ang isang warrant of arrest galing sa labas ng Pilipinas, hindi issued by a Philippine Court should be presented in a Philippine Court,” pagtatapos pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, kasalukuyan pa ring hindi nakakalabas ng Senado si Dela Rosa mula pa noong Lunes at nanatili siya ngayon sa loob ng kaniyang opisina.
Wala pa ring inilalabas na pahayag ang Palasyo kaugnay sa maibibigay nilang komento sa pagtugis na ito ng ICC sa senador ng bansa.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Torreon, nalamang may aircraft nang naghihintay kay Sen. Bato!
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Kinalaman ni Sen. Bato bilang 'co-perpetrator' ni FPRRD sa war on drugs!