May 21, 2026

Home BALITA National

Atty. Torreon, nalamang may aircraft nang naghihintay kay Sen. Bato!

Atty. Torreon, nalamang may aircraft nang naghihintay kay Sen. Bato!
Photo courtesy: File Photo

Ibinahagi sa publiko ng tumatayong legal counsel ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na si Atty. Israelito Torreon na may nakarating daw sa kanilang impormasyon na may eroplano nang naghihintay sa senador para madala ito sa International Criminal Court (ICC). 

Matatandaang naging mainit ang tensyon sa Senado noong Lunes, Mayo 11, 2026, nang magawang habulin ng mga opisyal ng National Bureau of Investigation (NBI) si Dela Rosa sa pagdalo nito sa kanilang sesyon. 

Sa pagdating ni Dela Rosa sa plenaryo, emosyonal niyang ibinahagi sa media na hinarang umano siya upang hindi makadalo sa sesyon ng Senado.

KAUGNAY NA BALITA: 'Hinarang ako!' Sen. Bato, galit na sumulpot sa Senado

Ayon naman sa naging pahayag ni Torreon sa panayam sa kaniya ng media nitong Martes, Mayo 12, sinabi niyang pinapakumpirma na raw nila ang nakarating sa kanilang impormasyong may aircraft na naghihintay kay Dela Rosa para mailabas sa bansa. 

National

PNP, susunod sa kautusan ng DOJ na ipatupad arrest warrant ng ICC vs Sen. Bato

“Pinapa-verify namin and the investigation is ongoing now,” pagsisimula niya. 

Dagdag pa niya, “Kahapon ang pagka-receive ko ng news kasi ay nandyan na daw.” 

Ani Torreon, may posibilidad daw na totoo ang nakarating sa kanilang impormasyon dahil na rin sa pagpunta ng NBI at ni dating Sen. Antonio “Sonny” Trillanes IV sa Senado para mahuli si Dela Rosa. 

“Which should also explain the fact na may NBI na nga dito at dumating din si Mr. Antonio Trillanes at pinakita pa niya ‘yong ICC warrant of arrest,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, habang sinusulat ito, hindi pa rin nakakalabas ng Senado si Dela Rosa at kasalukuyan itong nananatili sa loob ng kaniyang opisina habang nasa ilalim ng lockdown ang naturang tanggapan. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Legit!' ICC, kinumpirma arrest warrant laban kay Dela Rosa

KAUGNAY NA BALITA: Pagbabawal na arestuhin sa loob ng Senado si Sen. Bato, walang basehan!—Trillanes