Naparalisa ang malaking bahagi ng Metro Manila sa malawakang tigil-pasada na inilunsad ng mga jeepney driver at operator, sa pangunguna ng Stop&Go Coalition at Pinag-Isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON), at tinatayang libu-libong pasahero ang na-stranded, kabilang na ang mga estudyante, sa kasagsagan ng rush hour kahapon ng umaga.

Kinumpirma ni Metropolitan Manila Deveopment Authority (MMDA) Officer-in-Charge at General Manager Tim Orbos na ramdam ng mga pasahero ang epekto ng tigil-pasada sa Camanava (Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela) area.

Bandang 7:00 ng umaga ay normal pa ang biyahe ng mga pampasaherong jeep sa Camanava, subalit pagsapit ng 9:00 ng umaga ay madalang na ang mga namamasada, kaya naman naipon sa gilid ng kalsada ang mga pasahero.

Partikular na natambak ang mga pasahero sa Monumento Circle sa Caloocan, na hindi na rin nakayanan ng Light Rail Transit (LRT)-Line 1 sa dami hanggang tuluyang magkaaberya sa ilang tren. Pinatulan na rin ng iba ang biyahe ng tricycle, kahit pa umaabot sa P50 ang singil ng ilang driver.

Eleksyon

Sen. Risa, masaya sa nagiging resulta ng eleksyon: 'Lumalakas na ang totoong oposisyon!'

Karamihan sa mga na-stranded na biyaheng Maynila ay nagpasya na lamang na umuwi.

Sinamantala ng mga pampasaherong bus sa Valenzuela City at Navotas City ang strike ng mga jeep, at tuluy-tuloy sa pagpapasakay kahit siksikan na ang mga pasahero.

LIBRENG SAKAY

Nagpadala naman si Orbos ng anim na MMDA bus sa Camanava upang magbigay ng libreng sakay, kasabay ng pagpapakalat ng mga tauhan ng ahensiya, katuwang ang mga pulis, para hulihin ang mga raliyistang nanghaharang ng mga pumapasada para piloting sumama sa kanila.

Nagpasya namang maglakad na lang ang maraming pasahero ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 matapos na walang masakyan dahil sa tigil-pasada.

Naipon din ang maraming pasahero sa Balintawak, Philcoa at Commonwealth Avenue.

MGA KLASE, SINUSPINDE

Kaugnay nito, nagkansela rin ng mga klase sa ilang bahagi ng Metro Manila, kabilang ang Maynila at Malabon.

Una nang inihayag ng Stop&Go Coalition na nasa 74,000 jeep at libu-libong UV Express vehicle na miyembro nila ang sasali sa strike laban sa plano umano ng gobyerno na phaseout sa mga lumang jeep.

Itinanggi naman kahapon ng Department of Transportation (DOTr) na magsasagawa ng phaseout sa mga jeep kundi modernisasyon lamang.

Tiniyak din ng kagawaran sa mga transport group na gagabayan nila ang mga ito at bibigyan ng tulong pinansiyal para maisakatuparan ang modernisasyon.