Isang ginang ang walang awang pinaslang ng hindi nakilalang suspek habang karga ang kanyang tatlong-buwang anak na lalaki sa loob ng kanilang bahay sa San Miguel, Maynila, nitong Linggo.
Isang tagusang tama ng bala sa ulo ang tumapos sa buhay ni Ryan Joy Cinco, 33, tubong General Santos City at taga-Carlos Palanca Street, habang kaagad namang nakatakas ang hindi nakilalang suspek matapos ang krimen.
Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan, ng Manila Police District-Crimes Against Persons Investigation Section (MPD-CAPIS), dakong 3:35 ng hapon at kalung-kalong ng ginang ang kanyang sanggol nang biglang pumasok sa bahay ang suspek binaril ang biktima sa kanang bahagi ng ulo, na tumagos sa kaliwa.
Hindi na umabot nang buhay sa Philippine General Hospital si Cinco.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at ang motibo nito sa pagpatay. (Mary Ann Santiago)