Dalawang preso ang nasawi matapos na hindi makayanan ang labis na init sa masikip na bilangguan sa Maynila, nabatid kahapon.
Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), unang nasawi si Alvin Pura, 41, residente ng Sandejas Street, Malate, Manila, na nakadetine sa MPD-Station 9 matapos arestuhin nitong Enero 2, 2017 sa pag-iingat ng droga at panggugulo.
Sa ulat ni PO3 Jorlan Taluban, nabatid na dakong 8:15 ng umaga nitong Linggo nang madiskubre ng duty desk officer na si SPO2 Fernan Leano na walang malay si Pura sa selda nito.
Naisugod pa sa Ospital ng Maynila si Pura ngunit idineklara ni Dr. Marlon Arcigano na patay na ito dakong 8:45 ng umaga.
Naniniwala ang pulisya na hindi nakayanan ni Pura ang matinding init sa masikip na bilangguan, kasunod na rin ng pagkumpirma ng ina ng bilanggo, si Paulita Pura, na may hika ang kanyang anak.
Samantala, sinasabing inatake naman ng sakit sa puso si Joey Garcia, 48, arestado sa illegal gambling, at taga-Esguerra Street, Tondo, kaya namatay sa selda dakong 1:25 ng hapon nitong Linggo.
Batay sa ulat ni SPO1 Bernardo Cayabyab, ng MPD-CAPIS, isinugod sa Tondo Medical Center si Garcia matapos mahirapan sa paghinga.
Anim na araw lang ang nakalipas nang mamatay din sa loob ng bilangguan si Gil Cinco matapos na atakehin sa puso.
(Mary Ann Santiago)