Sa sariling bahay binaril at pinatay ang isang lalaki na sinasabing sangkot sa pagbebenta ng ilegal na droga sa Muntinlupa City, nitong Sabado ng gabi.
Dead on the spot ang biktimang si Dalton Ibanez, nasa hustong gulang, ng Purok 3, Block 3, Melody Street, Sunrise, Bayanan ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan buhat sa hindi batid na kalibre ng baril.
Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director chief Supt. Tomas Apolinario, Jr., dakong 9:30 ng gabi naganap ang insidente sa loob ng bahay ni Ibanez.
Natutulog ang biktima sa kanyang bahay nang pilit siyang pasukin ng mga suspek at makailang beses pinaputukan sa katawan na naging sanhi ng agaran nitong pagkamatay.
Lumitaw na isang drug personality ang biktima na nadakip ng Muntinlupa City Police noong Disyembre 2016 ngunit kalauna’y nakalaya rin matapos makapaglagak ng piyansa.
Bukod dito, sangkot umano ang biktima sa pagtutulak ng ilegal na droga at marami rin umano itong kaaway dahil mahilig magpadala ng "anonymous hate text messages" sa mga pinagkukunan niya ng droga (drug supplier), kapitbahay at ilang pulis sa lungsod.
Nagsasagawa na ng imbestigasyon ang awtoridad sa insidente. (Bella Gamotea)