Bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG) si Manila Police District (MPD) Director Police chief Supt. Joel Napoleon Coronel upang matutukan ang kaso sa pagpatay sa aktibong pulis ng MPD-Theft and Robbery Section (TRS) na si PO2 Erickson Peralta.

Ayon kay Police Chief Insp. Eduardo Pama, hepe ng MPD-TRS at immediate superior ni Peralta, bago ang insidente ay magkausap pa sila sa nabanggit na opisina at umalis lamang si Peralta nang hindi natuloy ang kanilang follow-up operation laban sa “Salisi” gang na kanilang iniimbestigahan sa Cavite.

Ayon naman kay PO2 Ryan Paculan, halos walang pahinga si Peralta noong araw na pinatay ito dahil magdamag sila sa operasyon.

“Naligo pa siya (Peralta) dito sa opisina, nagpabili pa ng damit na susuotin niya kasi may follow-up kami, kala niya kasi matutuloy,” ani Paculan.

Internasyonal

Dating posisyon ni Pope Leo XIV, ipinasa kay Cardinal Tagle

Nagsagawa na rin umano ng command conference ang pamunuan ng MPD, sa pangunguna ni Coronel, at may apat na grupo na ang lumakad para magsagawa ng imbestigasyon.

Nasawi si Peralta, anak ng retiradong si Police Insp. Ernesto Peralta at dating nakatalaga sa MPD-Station 5, makaraang pagbabarilin ng anim na suspek na magkakaangkas sa motorsiklo, dakong 7:46 ng gabi nitong Biyernes (Enero 3), sa J. Bocobo Street, malapit sa panulukan ng Padre Faura St., sa Ermita, Maynila. (Mary Ann Santiago)