Magpapatuloy ang labanan sa pagitan ng militar at ng mga komunistang rebelde.

Ipinag-utos kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbawi sa unilateral ceasefire ng gobyerno sa New People’s Army (NPA) kasunod ng “breakdown” sa usapang pangkapayapaan dahil sa aniya’y mga “unreasonable” demand ng mga komunista.

Sa kanyang pagbisita kahapon sa North Cotabato, sinabi ng Presidente sa puwersa ng gobyerno na “be ready to fight”, at inaming matagal-tagal pa bago matamo ang kapayapaan sa mga rebelde.

Ito ang naging pahayag ng Pangulo ilang araw makaraang ideklara ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front (CPP-NDF) na babawiin na nito ang ipinaiiral na tigil-putukan sa Biyernes, Pebrero 10.

National

Davao Oriental, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Kagabi I decided, I called (Armed Forces Chief) Gen. (Eduardo) Año and said ni-lift ko ‘yung ceasefire tonight. Wala nang ceasefire,” sinabi ni Duterte, tinukoy ang indefinite truce na napagkasunduan ng magkabilang peace panel noong Agosto.

“I tried my best — parang sa kanta — but my best was not good enough. Para sa tingin ko there will be no peace in this land vis-à-vis with the communist party. Pagpatuloy natin ‘yung gyera,” dagdag ni Duterte sa paglulunsad ng solar-powered irrigation system sa North Cotabato.

Binanggit ng Presidente na anim na sundalo at isang military officer ang napatay sa pakikipagbakbakan sa mga rebelde sa nakalipas na mga araw sa kabila ng ipinaiiral pa rin ng gobyerno ang tigil-putukan.

“Because I have lost so many soldiers in just 48 hours, I think to continue with the ceasefire does not or will not produce anything. Therefore I’m asking the soldiers, go back to your camps, clean your rifles and be ready to fight,” aniya. “I am sorry but that is how it is.”

Ayon sa Presidente, nabigo ang usapang pangkapayapaan dahil sa “unreasonable demands” ng CPP-NDF, gaya ng pagpapalaya sa daan-daang political prisoner, na tinawag niyang “too huge that was impossible to meet.”

“I would have wanted very much (na matapos na ang mga labanan) because it’s about 50 years in the making. Gusto ninyo another 50 years? Wala nang katapusan? Kung walang katapusan, sige,” ani Duterte.

“I guess that peace with the communists cannot be realized during our generation maybe years from now. So, ayaw ko magpatayan, pero kung ganun lang [na] pati mga sundalo ko pinapatay pati sa ibang lugar, resume tayo anytime,” aniya.

“I’m sad to report to you there will be no peace with the communists for the next generation. Paubusan lang talaga ito. Wala akong magawa. I tried but since that I’m losing end of the bargain.” (GENALYN D. KABILING)