SAN ANTONIO (AP) – Napantayan ni coach Gregg Popovich ang NBA record para sa pinakamaraming naipanalo sa iisang koponan matapos gapiin ng San Antonio Spurs ang Philadelphia Sixers, 102-86, nitong Huwebes (Biyernes sa Manila).

Nakasalo ni Popovich sa marka ang retirado nang si Jerry Sloan sa Utah Jazz sa larong nakapagtala ang San Antonio ng 15 steal at naipuwersa ang Sixers sa 23 turnover, para sa ika-12 sunod na panalo sa home game at ika-11 sunod sa kabuuan.

Nanguna si Kawhi Leonard sa naiskor na 19 puntos, habang kumana si Dewayne Dedmon ng 13 puntos at 10 rebound para sa ikalawang sunod na double-double performance sa Spurs.

Kapwa lagas ang frontcourt ng magkabilang panig kung saan hindi nakalaro sa Spurs sina LaMarcus Aldridge at Pau Gasol, habang sideline sina Joel Embiid, Nerlens Noel at Robert Covington sa Sixers.

UAAP season 87 nagsimula na; Ateneo at UP, mauunang magbakbakan

WARRIORS 133, CLIPPERS 120

Sa Los Angeles, nanatili ang dominasyon ng Golden State Warriors sa Clippers.

Nanguna si Stephen Curry sa naiskor na 29 puntos, habang kumubra si Kevin Durant ng 26 puntos at 10 assist para sa ikalimang sunod na panalo ng Golden State Warriors sa Los Angeles Clippers ngayong season.

Nanguna si Blake Griffin sa natipang 31 puntos para Clippers na nagtamo ng siyam na sunod na kabiguan laban sa karibal sa Bay Area, pinakamahabang skid ng Clippers laban sa iisang koponan.

Taliwas naman ang kabiguan sa nakalipas na demolisyon na natamo nang matalo sa Warriors sa 46 puntos.

HAWKS 113, ROCKETS 108

Sa Houston, dinagit ng Atlanta Hawks, sa pangunguna ni Dwight Howard na may 24 puntos at 23 rebound, ang Rockets.

Hataw din si Tim Hardaway Jr. para sa Hawks sa natipong 33 puntos, tampok ang driving dunk sa huling dalawang minuto para sa tatlong puntos na bentahe ng Atlanta.

Naghabol ang Hawks sa mahigit 20 puntos papasok sa fourth quarter bago naagaw ang tempo ng laro.

Nanguna si James Harden na may 21 puntos, walong assist at walong rebound, para sa Rockets.

WIZARDS 116, LAKERS 108

Sa Washington, ratsada si John Wall sa naitumpok na 33 puntos at 11 assist, habang kumana si Bradley Beal ng 23 puntos, at tumipa si Marcin Gortat ng season high 21 puntos para sa ikaanim na sunod na panalo ng Wizards,

Ito ang unang six-game winning streak ng Washington mula noong Dec. 8-19, 2014. Nagwagi ang Wizards ng 16 sunod na home game.

Nanguna sa Lakers si Fil-Am Jordan Clarkson.