Hindi na umabot pa sa ospital ang isang lalaki na tumulong sa pag-apula sa apoy makaraang makuryente sa bubungan ng isa sa mga nasunog na bahay sa Malabon City, nitong Miyerkules hapon.
Nagtamo ng 3rd degree burn si George Bulaladin, 38, ng Barangay Maysilo ng nasabing lungsod.
Ayon sa Malabon Fire Station, bandang 5:00 ng hapon nang masunog ang walong bahay sa nasabing lugar, at ang apoy ay nagsimula umano sa bahay ng isang Dolores Bautista dahil sa pagsabog ng tangke ng gasolina.
“Malakas po ‘yung pagsabog na narinig namin tapos kumalat na ang apoy,” ani Nonoy Nunez, isa sa mga nasunugan.
Ayon kay Arvin Canelo, isa sa mga biktima, umakyat sa bubong si Bulaladin para buhusan ng tubig ang umaapoy na bubong ng kapitbahay at aksidenteng nadikit sa live wire.
Pasado 7:00 ng gabi tuluyang naapula ang apoy at inaalam pa kung magkano ang halaga ng ari-ariang naabo.
(Orly L.Barcala)