OAKLAND, California (AP) -- Muling nagpasikat ang pamosong ‘Splash Brothers’ na nagpaulan nang 17 three-pointer para ilayo ang laro tungo sa 126-111 dominasyon kontra Charlotte Hornets nitong Miyerkules (Huwebes sa Manila).

Nagtumpok si Steph Curry ng 39 puntos, kabilang ang 11 tree-pointer, habang kumana si Klay Thompson ng 29 puntos, tampok ang anim na tres, para sa ika-42 panalo sa 49 laro ng Warriors.

Nag-ambag si Kevin Durant ng 18 puntos.

Nanguna si Frank Kaminsky sa natipang 24 puntos para sa Hornets, nakopo ng ika-26 kabiguan sa 49 laro.

PBA, hinihingi panig ni Amores; makabalik pa kaya sa liga?

CAVS 125, WOLVES 97

Sa Cleveland, sinimulan ng Cavaliers ang kampanya sa buwan ng Pebrero sa impresibong panalo kontra sa Minnesota Rimberwolves.

Hataw si LeBron James sa naiskor na 27 puntos, habang kumubra si Kyrie Irving ng 14 puntos at career-high 14 assist, para maibsan ang sakit sa malamyang marka sa nakalipas na buwan (7-8).

Hindi nakalaro si All-Star forward Kevin Love sa ikalawang sunod bunsod ng ‘back spasms’, ngunit lima pang Cavs ang nakadale ng double digit kabilang si streak shooter Kyle Korver na may 20 puntos.

Nanguna sa Wolves si Karl-Anthony Towns na may 26 puntos at nag-ambag si Andrew Wiggins ng 23 puntos.

CELTICS 109, RAPTORS 104

Sa Boston, nagsalansan si Isaiah Thomas ng 44 puntos, kabilang ang 19 sa final period para sandigan ang Celtics kontra Toronto Raptors.

Nakamit ng Boston ang ikalimang sunod na panalo para makausad ng 1 ½ laro kontra sa Raptors sa kanilang division at kunin ang No.2 seed sa Eastern Conference.

Kumawala si Kyle Lowry sa naitumpok na 32 puntos para sa Raptors, nabigo sa ikapitong pagkakataon sa huling siyam na laro.

Sa iba pang laro, natusta ng Miami Heat ang Atlanta Hawks, 116-93; inihawla ng Detroit Pistons ang New Orleans, 118-98; winasak ng New York Knicks ang Brooklyn Nets, 95-9o; at pinaglaho ng Indiana Pacers ang Orlando Magic, 98-88;