TORONTO (AP) — Sa kuko nang determinadong Raptors, nakaalpas ang San Antonio Spurs . At nagawa nila ito na wala ang premyadong scorer na si Kawhi Leonard, gayundin ang All-Star na sina Tony Parker at Pau Gasol.

Bumida si LaMarcus Aldridge sa naiskor na 21 puntos, habang nagtumpok ng 18 puntos si Patty Mills mula sa bench para sandigan ang Spurs sa 108-106 panalo kontra Raptors nitong Martes (Miyerkules sa Manila).

Nakamit ng San Antonio ang ikalimang sunod na panalo at nakumpleto ang ‘sweep’ sa Toronto sa kanilang head-to-head duel ngayong season. Ginapi ng Spurs ang Raptors, 110-82, sa unang paghaharap sa AT&T Center.

Nanguna si Kyle Lowry sa natipang 30 puntos, habang kumubra si Terrence Ross ng 21 puntos sa Raptors, nabigo sa ikaapat na sunod sa unang pagkakataon mula noong Marso 4-10, 2015.

UAAP season 87 nagsimula na; Ateneo at UP, mauunang magbakbakan

76ERS 121, CLIPPERS 110

Sa Philadelphia, ginapi ng Sixers, sa pangunguna nina Nerlens Noel sa naiskor na 19 puntos at Richaun Holmes na may 18 puntos , ang Los Angeles Clippers.

Bumalikwas ang Sixers mula sa 19 puntos na paghahabol sa second half at nagawa ito na wala ang pambatong si Joel Embiid at nagbalik aksiyon sa Clippers si Blake Griffin.

Nalimitahan si Griffin sa 12 puntos mula sa 3-of-11 shooting sa kanyang unang sabak mula nang ma-injury nitong Dec. 18.

WIZARDS 123, CELTICS 108

Sa Washington, nagsalansan si Bradley Beal ng 31 puntos, tampok ang 13 sa fourth quarter para hilahin ang home winning streak ng Wizards sa 14 matapos gapiin ang Boston Celtics.

Nag-ambag si John Wall ng 27 puntos, habang kumasa si Markieff Morris ng 19 puntos at 11 rebound.

Nanguna sa Boston si Isaiah Thomas sa naharbat na 25 puntos at 13 assist.

BULLS 100, MAGIC 92

Sa Orlando, Florida, ginulat ng Chicago Bulls, sa pangunguna nina Dwyane Wade na may 21 puntos at Jimmy Butler na kumana ng 20 puntos, ang home crowd at ang Magic.

Nagsawa sa pagsalaksak sa loob sina Wade at Butler bunsod nang maluwag na depensa dulot nang pagkawala ng apat na premyadong player, kabilang ang star na si Michael Carter-Williams na sopresanng nagbutas lamang ng bangko sa laro.

Nanguna si Nikola Vucevic sa Orlando sa naiskor na 20 puntos.