Umangat at makasalo ng Phoenix sa ikalawang puwesto ang pag- uunahang magawa ng Talk N Text at Globalport sa kanilang pagtutuos ngayong gabi sa tampok na laro ng nakatakdang double header ng 2017 PBA Philippine Cup sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Kasalukuyang nasa 4- way tie sa ikatlong posisyon ang Texter’s at ang Batang Pier hawak ang kartadang 5-4, kasalo ng Rain or Shine at Alaska, isang panalo ang pagkakaiwan sa pumapangalawang Fuel Masters.
Maghaharap ang dalawang koponan ganap na 7:00 ng gabi pagkaraan ng unang salpukan kung saan magtutunggali ang Star at Blackwater ganap na 4:15 ng hapon.
Umaasa si Texters coach Nash Racela na magtutuluy- tuloy na ang ipinakitang magandang laro ng kanyang mga players buhat sa naitalang 104-92 panalo kontra Mahindra noong nakaraang Miyerkules.
Sa kabilang dako, magkukumahog. namang makabalik sa winning track ang Batang Pier kasunod ng huling kabiguang natamo sa kamay ng defending champion at league leader San Miguel Beer sa labang idinaos sa Lapu- Lapu City sa Cebu, 106-100.
“I hope that we’re on the right track .It’s gonna be a lot of sacrifice,” ayon kay Racela na naniniwalang magiging mahirap katunggali ang Batang Pier lalo pa’t galing ang mga ito sa talo..
Naiiwan lamang ng dalawanglaro ang Hotshots ng pumapangalawang Phoenix Fuel Masters sa taglay nitong patas na barahang 4-4, panalo- talo. (Marivic Awitan)