Handa raw ang Senate minority bloc na hintayin ang mga kasamahang senador sa majority bloc, matapos na walang sumipot sa kanila, sa pagbabalik ng plenary session nitong Lunes ng hapon, Hunyo 1, ayon kay Sen. Juan Miguel Zubiri.
Kapansin-pansing wala ang mga senador ng mayorya sa kanilang mga upuan, kabilang na si Senate President Alan Peter Cayetano, matapos ang kusang pagsuko ni Sen. Jinggoy Estrada dahil sa inilabas na pangalawang warrant of arrest mula sa Office of the Ombudsman, para sa kasong plunder na hindi puwedeng piyansahan,
Sa ambush interview kay Zubiri, sinabi niyang nakahanda raw ang minorya na hintayin ang mga kasamahan dahil nakahanda rin silang magtrabaho sa araw na iyon, kagaya ng mga panukalang-batas na nasa third reading na, citizenship bills, at ang komposisyon ng Commission on Appointments (CA).
"Wala namang nagsabing magka-cancel sila, so we are just waiting, we're ready to work, alam n'yo ang daming trabaho," saad pa ni Zubiri.
Singit naman ni Sen. Kiko Pangilinan, hindi sila makakasulong sa sesyon dahil wala sila sa quorum, dahil labing-isa lamang ang mga senador na nasa minorya.
Matatandaang sa huling plenary session ng Senado noong Mayo 26, nag-walk out naman ang minority bloc matapos na hindi sumang-ayon sa isinusulong na mosyon ng majority bloc, na baguhin ang Senate rules pagdating sa "remote participation" ng mga senador sa mga isasagawang plenary session.
Habang isinusulat ang artikulong ito, wala pang update kung itutuloy pa ba ang sesyon o ma-aadjourn ito.
Maki-Balita: Majority bloc, no show sa Senate plenary session