Ibinahagi ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla sa media ang ginawa umano sa kaniya ng anak na babae ni Sen. Jinggoy Estrada, hinggil sa pag-aresto nila sa senador nitong Lunes, Hunyo 1, 2026.
Sa pagharap sa media ni Remulla, iginiit niyang nakatikim siya ng mura at dirty finger sa anak ng senador.
“There’s a slight altercation between me and his daughter. She gave me the dirty finger and cursed at me and I said, ‘It’s okay, I understand. You’re very emotional,’” ani Remulla.
Nang tanungin ng media kung kilala raw ba ni Remulla ang tinutukoy niyang anak ni Estrada, paglilinaw niya, “I don’t know this one.”
Paliwanag pa ni Remulla, “But I said, ‘It’s okay.’ It was not personal, nagging personal lang ang lahat.”
Nilinaw din ni Remulla na inaresto raw nila si Estrada, taliwas sa pahayag ng senador na siya ang sumuko sa mga awtoridad.
Nitong Lunes nang magpunta ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa Senado kasama si Remulla upang arestuhin si Estrada.
Ito ay matapos na maglabas ng ikalawang arrest warrant ang Sandiganbayan laban kay Estrada, kaugnay ng kasong plunder na ‘non-bailable’ na isinampa ng Office of the Ombudsman.
Samantala kaugnay nito, nauna nang isiniwalat ni Estrada sa kaniyang presscon—ilang minuto bago ang pagsuko niya sa CIDG, na mananatili raw siyang miyembro ng Senate majority bloc, sa kabila ng pag-alok daw sa kaniya na lumipat sa minority, kapalit nang pagkaabswelto niya sa akniyang mga kaso.
“Maraming beses po akong inalok na talikuran ang independent majority bloc, kapalit ng pagbabasura sa aking kaso. Ngunit, hindi ko po ito tinanggap. Mas nanaig ang paninindigan ko, na ako'y manatili sa hanay ng mga kasamahan ko sa independent majority bloc,” ani Estrada.
Paliwanag pa niya, “I stand my ground, ngayon kung tatanungin n'yo kung sino sila, abangan ninyo ang susunod na kabanata.”
KAUGNAY NA BALITA: ‘I stand my ground!’ Sen. Jinggoy, niligawan daw ng minority bloc kapalit ng pag-abswelto sa kaso
Habang isinusulat ang artikulong ito ay kasalukuyan siyang nasa Sandiganbayan. Bago nito, nuna na munang dalhin sa Camp Crame si Estrada.
Nakatakda siyang ipiit sa New Quezon City Jail sa Payatas.