LAUSANNE, Switzerland (AP) — Posibleng maharap sa isang taong banned ang China matapos bawian ng Olympic gold medal ang tatlong women weightlifter bunsod nang pagpositibo sa droga sa isinagawang re-testing ng kanilang sample noong 2008 Beijing Games.

Ang disqualification verdict na inilabas nitong Huwebes (Biyernes sa Manila) ay isang tahasang paglabag sa programa ng International Olympic Committee.

Binawi rin ng IOC ang Beijing bronze medal sa women’s shot ni Nadzeya Ostapchuk ng Belarus. Nauna nang binawi kay Ostapchuk ang gintong medalya na napagwagihan niya sa 2012 London Games bunsod ng hiwalay na kaso ng doping.

Kabilang ang apat sa walong bagong kaso ng disqualifications bunsod nang isinasagawang re-testing mula sa mga samples ng mga atleta na sumabak sa Beijing at London Olympics.

Olympian boxer Eumir Marcial, di nagpatalo kay Carlos Yulo, nag-crop top na rin!

Ayon sa IOC, ang tatlong Chinese weightlifters ay nag-positibo sa GHRP-2, isang uri ng gamot na nagpapadagdag sa hormone.

Kinilala ng IOC ang tatlo na sina Cao Lei sa 75-kilogram class; Chen Xiexia sa 48kg; at Liu Chunhonog sa 69kg.

Nagpositibo rin si Liu sa ipinagbabawal na ‘sibutramine’.

Si Liu ay Olympic champion din noong 2004 Athens Olympics sa kanyang division, habang sina Cao at Chen ay kapwa world champion noong 2007.

Ipinag-utos din ng IOC disciplinary commission sa International Weightlifting Federation na imbestigahan ang Chinese team coach, gayundin ang mga opisyal.

“This suggests a possible involvement of the athlete’s entourage in these cases and the IWF is invited to investigate that situation and, if adequate, to take action against relevant people in the athlete’s entourage,” pahayag ng IOC.

Ang isang taong banned sa China ay parusa ng IWF. Ang governing body ng sports na nakabase sa Budapest, Hungary, ay nagpahayag ng awtomatikong ‘banned’ sa bansang magkakaroon ng tatlo o higit pang atleta na positibo sa re-testing.

Ang iba pang nagpositibo ay mga atletang non-medalist tulad nina Darya Pchelnik ng Belarus sa women’s hammer throw (turinabol) at Turkish weightlifter Sibel Simsek sa women’s 63kg (turinabol at stanozolol).

Dalawa pang lifter sa men’s 94kg class -- sixth-place Intigam Zairov ng Azerbaijan, at 11th-place Norayr Vardanyan ng Armenia -- ang diskwalipikado dahil sa ‘turinabol’