Nabagok ang isang negosyante matapos suntukin ng kanyang empleyado sa Valenzuela City, kamakalawa ng tanghali.
Dead on arrival sa Manila Central University (MCU) Hospital si Maximo Biglang Awa, 70, may-ari ng Buenas Diaz Resort na matatagpuan sa No. 17 Liwayway Street, Barangay Marulas ng nasabing lungsod.
Nahaharap sa mga kasong robbery with homicide at paglabag sa R.A. 10591 (illegal possession of ammunition) ang suspek na si Carloa Rivera Angeles, 22, stay-in helper sa nasabing resort.
Ayon kay PO3 Robin Santos ng Station Investigation Unit (SIU), bandang 12:35 ng tanghali nangyari ang insidente sa loob ng nasabing resort.
“Bumabale daw ng P500 si Angeles at hindi naman pinabale ni Biglang Awa, kaya sinuntok ito ng una,” pahayag ni PO3 Santos.
Sa lakas ng pagkakasuntok, tumama ang ulo ng biktima sa papag.
Kinuha ni Angeles sa bulsa ng amo ang P41,860 cash at tinawag ang kanyang mga kasamahan at sinabing hinimatay si Biglang Awa at kailangang dalhin sa ospital.
Nang imbestigahan at isailalim ng mga pulis sa interogasyon si Angeles, dito na niya inamin ang kanyang kasalanan.
(Orly L. Barcala)