Hindi na nakauwi nang buhay ang isang lalaki matapos matagpuan ang bangkay nito sa isang masukal na lugar sa Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ng kanyang live-in partner na si Susan Gallego, 39, ang biktima ay si David Dumpe, 41, ng No. 805 BMBA Compound 3rd Avenue ng nasabing lungsod.
Dakong 2:00 ng madaling araw nang matagpuan ng mga barangay tanod ang bangkay ni Dumpe sa kanto ng 4th Avenue at Rizal Extension, Barangay 20, Caloocan City.
Sa ulat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO), nagtamo ang biktima ng tama ng bala ng cal. 9mm pistol sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay Gallego, dakong 2:00 ng hapon, sinundo ni Bonifacio Gacutan, 41, ang biktima para maglaro ng sakla sa kalapit na barangay.
Magmula noon, ayon kay Gallego, ay hindi na umuwi si Dumpe hanggang makarating sa kanya ang balita na patay na ang biktima.
Kasalukuyang tinutugis ng mga awtoridad ang suspek at inaalam ang motibo sa pamamaril. (Orly L. Barcala)