BATANGAS — Patay ang isang matandang babae nang makuryente habang apat ang naiulat na sugatan dahil sa paputok at ligaw na bala bago magpalit ng taon sa magkakahiwalay na lugar sa Batangas.

Ayon sa report ng Batangas Police Provincial Office (BPPO), naglilinis sa likuran ng kanilang bahay sa Barangay Laiya, San Juan si Perlita Manalo, 74, nang mahawakan niya ang isang kawad na may kuryente.

Idineklarang dead on arrival si Manalo sa San Juan District Hospital.

Kapwa naman nasugatan sina John Michael Almanza, 19, ng Kumintang Batangas City, at ang 52 anyos na si Sisenando Alamag ng Calaca, Batangas dahil sa kwitis.

Probinsya

Lalaking kusa umanong tumalon sa kulungan ng buwaya, sinakmal!

Tinamaan naman sa kaliwang mata ang 9 anyos na si Zhiel Nico Atienza ng laruang ‘boga’, isang paputok na yari sa tubo na polyvinyl.

Naglalaro umano si Atienza at mga kaibigan sa Bucal, Calatagan nang maganap ang aksidente at kaagad nilapatan ng lunas sa Calatagan Medicare.

Ginamot naman sa Batangas Medical Center ang 56 anyos na si Zenaida Gonzales matapos tamaan ng ligaw na bala habang nanonood ng telebisyon sa kanilang bahay sa Lumil, San Jose.

Tumama ang bala sa kanang tenga ni Gonzales at naiwan sa kanyang leeg ang basyo nito. (Lyka Manalo)